Nakuha sa Google:educationaltechnology.net


Ang Teknolohiya sa proseso ng Pagtuturo at Pagkatuto

Ang lahat ng bagay sa mundo ay nagbabago, ito ay sa kahit anumang  aspeto, tila isang penomenang kailanman ay hindi magagawang pigilan. Kaya naman, ang bawat indibidwal ay inaasahan na tatanggapin at yayakapin ang mga pagbabagong ito, sa ayaw man at sa gusto. Isa na rito ay ang pag-usbong ng mga makabago/modernong teknolohiya na lubos ding tinatangkilik ng mga Filipino, na kung saan nagbubunsod itong mapadali ang mga bagay-bagay at gawain ng tao, partikular na sa mga guro, sa gawaing pagtuturo. Sa usaping panteknolohiya, sa gawaing pagtuturo, paano nga kaya ma-i-pagsasama ang teknolohiya sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto?

Sa patuloy na pag-usbong ng mga makabagong teknolohiya, kaakibat  rin nito ang suliraning kinakaharap ng mga guro sa pagtuturo sa kasalukuyan, ito ay sa kadahilanang, kasabay sa pag-unlad ng teknolohiya ay nag-iiba na rin ang pangangailangan, hilig, tunguhin, at maging ang interes ng mag-aaral, na kung saan sila ang itinuturing na sentro at nagsisilbing batayan sa pagpaplano sa gawaing pagtuturo sa loob ng klase. Sa panahon kasi ngayon, madaling nababagot ang mga mag-aaral lalo na kapag sila’y walang interes sa paksang aralin o kaya naman ay kapag ang guro na lamang ang parating nagsasalita sa harapan. Kung kaya, sa panahon natin 
ngayon ay malaki ang naibibigay na tulong ng teknolohiya sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto sa marami at mabisang paraan. Lalo pa at OBE na, sa pamamagitan kasi ng teknolohiya ay nagagawang masigla at masaya ang klase, bukod sa nakapupukaw ito ng interes ng mag-aaral ay nakatutulong rin ito upang ang lubos na pang-unawa tungkol sa paksa ay mismong matatamo ng mag-aaral. Dagdag pa riyan ay mas nalilinang ang kanilang mga angking katalinuhan sa isang larangan at kakahayan at kasanayan pagdating sa paggawa ng mga bagay, gayundin sa pakikisali, pakiki-isa sa nasabing proseso.


Ngunit paano nga kaya maipagsasama ang teknolohiya sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto? Ito ay sa pamamagitan ng paglalapat nito sa gawaing pagtuturo, na kung saan napapagaan ng teknolohiya ang mga gawain na may kaugnayan sa pagtuturo, kung saan dahil sa maingat na pagpaplano ng guro ay reresulta ito sa pagtamo ng mga mag-aaral ng mga makabago at makabuluhang mga kaalaman. Sa gawaing paglalapat ng teknolohiya sa proseso ng pagtuturo at  pagkatuto, may mga bagay din na kailangang isaalang-alang.









Para sa akin, kinakailangang na pangunahing  isaalang-alang ng guro, ay ang kanyang mag-aaral, ito ay ang pag-alam at pagtuklas kung ano ang kanilang mga hilig, kaugalian, mga karanasan at interes, ito ay makatutulong sa pagbuo ng tiyak na mga layunin na nais makamit sa gitna o kaya naman ay pagkatapos ng klase, makakatulong rin ito kung ano ang angkop na mga pamamaraan, pagdulog, teknik at estratehiya na gagamitin sa pagtuturo.
 Sa paglalahad naman ng paksa, siguraduhing  ang gagawing paglalahad ay may kalakip ring mga halimbawa, ito ay maaring sa paggamit ng mga bidyo, larawan, figyur at marami pang iba na may kaugnayan at kahalagahan din sa paaksang aralin, itp ay upang makuha ang atensyon ng mag-aaral at lubos na maunawaan ang paksa.
Gayundin ang pagkakaroon at pagbibigay ng mga gawain sa klase, dahil OBE na tayo ngayon, ibig sabihin nakapokus ito sa mga produkto at awtput na manggagaling mula sa mag-aaral, na kung saan makatatamo sila ng mga bagong kaalaman sapagkat direkta nila itong naranasan, ito ay maaring ang nai-atas ay ang pagbuo ng mga kagamitang pampagtuturo gamit ang teknolohiya, o kaya naman ay gumawa ng sariling mga aplikasyon na makatutulong din  sa kapwa mag-aaral at marami pang iba.
Ngunit bago ang lahat ng iyan, kinakailangan na maisaalang-alang din kung abeylabol ba ang mga kagamitan at kung meron man ay siguraduhing ang mga ito ay gumagana pa, katulad na lamang ng laptop, kompyuter, ispiker, prodyektor, at iba pa, ito ay upang masigurado na walang mararanasang problema kung gagamitin na sa loob ng klase.
Magiging mabisa ang pagtuturo at pagkatuto kung may suporta at tulong mula sa teknolohiya, sa kadahilanang bukod sa nakapupukaw ito ng interes ng mag-aaral ay makatatamo rin sila ng epektibo at makabuluhang mga kaalaman dahil, nagaganyak silang maki-isa at makisali sa pagasasagawa ng ispisipikong nai-atas na gawain.
Sinubukan kong kapanayamin ang dalawang mag-aaral tungkol sa paksa, ang tanong ko ay kung epektibo ba ang paggamit ng teknolohiya sa mga asignatura,
Ang sagot ng isang babae, “Hindi sa lahat ng pagkakataon, dahil halimbawa na lamang sa math kung powerpoint na presentasyon ang gagamitin, ayon sa kanya mas pipiliin niya pa na bumalik sa tradisyonal na kung saan may paggamit ng yeso at board sapagkat mas nauunawaan nila kung ano ang mga ispisipikong hakbangin sa paghahanap ng mga  kasagutan sa bawat aytem, dahil naipapaliwanag din naman ito ng guro habang isinusulat ang solusyon. May punto din naman siya, nakadepende din sa paksa. Kung saan papasok lamang ang paggamit ng teknolohiya kung may mga bidyo na magsisilbing gabay sa mag-aaral kung sila na naman ang magbibigay ng solusyon sa isang problema.
Ang sagot naman ng pangalawa kong kinapanayam ay “ Depende kung paano dalhin ng guro ang kanyang klase”, maari rin kasing idaan sa iba’t ibang pagganyak ng guro bago simulan ang klase na nakapupukaw rin ng interes ng mag-aaral. Totoo din naman kasi ito, sapagkat may mga guro talaga na isinilang na likas na talaga sa kanila na marunong magpatawa kung kaya nagagawa pa ring masigla ang klase. Kung minsan nga, mas naalala pa kadalasan ng mag-aaral ang mga pinagawang motibasyon o pagganyak o kaya naman ay ang mga hirit ng kanilang guro.


            May punto din naman sila, kung kaya kinakailangan na sa paggamit ng teknolohiya sa proseso ng pag-aaral at pagkatuto ay maging maingat sa pagsasaalang-alang ng mga bagay na dapat isaalang-alang, sapagkat hindi lamang ang mag-aaral ang nakakukuha ng mga bagong kaalaman ngunit gayundin ang guro, may makukuha ring siyang mga bagong kaalaman mula sa kanyang mag-aaral na maaring mapapakinabangan niya upang maging mas mabisa at epektibo pang guro.






 Nakuha sa Google: Valenzuela.gov.ph



Experience
            Batay sa aking naging karanasan, kinakailangan na sa paggamit ng teknolohiya sa loob ng klase, totoong may pagsasaalang-alang ng mga bagay: ang mag-aaral, mga kagamitan, kahandaan sa pagtuturo at marami pang iba.
            Napatunayan ko rin  na mas makakamit ang lubos na pang-unawa kung lalapatan ng mga halimbawang makikita sa bidyo, naririnig at nakikita. Sa pamamgitan kasi ng paggamit ng teknolohiya ay nadadala sa loob ng  silid-aralan ang lahat ng bagay na pumapatungkol sa mundo, sa iba’t ibang aspeto. Kung kaya , sa pamamagitan nito ay nakararanas ng pagkalula ang mga mag-aaral lalong-lalo na kung ito ay tungkol sa pagkalawakan at iba pang mga paksa at konsepto.
            Sa asignaturang Filipino naman, malaki ang naibibigay na tulong ng teknolohiya sapagkat sa pamamagitan nito ay mas napapadali at naliliwanagan kami, mas nagiging masigla at  masaya ang klase,  halimbawa na lamang kung ang paksa ay pumapatungkol sa mga epiko, sa pamamagitan ng mga bidyo ay mas nauunawaan namin ang mga halimbawa nito kaysa sa normal lang na talakayan.
            Sa pamamagitan din ng teknolohiya ay mas nauunawaan namin ang mga panitikan na umuusbong sa iba’t ibang panahon dahil sa mga kalakip na halimbawa nito na mahahango sa hanguang elektroniko. Napakalaki ng impluwensya ng teknolohiya sa panahon ngayon,, nakapagbabago at nakapagpapadali ng mga gawain. Kaya lamang kahit na may magandang benepisyo ang teknolohiya, may disadbentahe rin naman ito, Kung kaya nakadepende rin sa tao kung paano niya pahahalagahan at gagamitin ito.

Reflection
            Hindi madali ang gawaing pagtuturo, ngunit sa tingin ko ay hindi naman siguro magiging mali kung sasabihin kung isa ang paggamit ng teknolohiya sa nagpapagaan ng gawaing pagtuturo, na kung saan sa pamamagitan rin naman kasi ng teknolohiya ay nakatatamo ng direkta at makabuluhang mga kaalaman ang mag-aaral.
            Hindi na rin siguro masasabi ng ilan na “boring ang asignaturang Filipino” sapagkat kasabay ng patuloy na pag-unlad ng teknolohiya ay gayundin ang pag-usbong ng mga makabagong pamamaraan, teknik, estratehiya at pagdulog sa pagtuturo ng asignaturang Filipino na may paggamit rin ng teknolohiya na tiyak na magagamit ng mga guro, at kahit ng  mga magiging guro sa hinaharap katulad ko, upang ang talakayan ay maging makabuluhan at interaktibo.

Application
            Kung kaya, bilang isang guro sa hinaharap, kinakailangan na maging bukas ako sa mga pagbabagong magaganap hindi lamang sa kasalukuyan ngunit gayundin sa hinaharap. Marapat na handa akong yakapin at tanggapin ang mga pagbabagong ito, marapat rin na maging bukas ako sa mga makabagong pamamaraan, teknik, estratehiya at pagdulog sa pagtuturo, lalong-lalo na sa asignaturang Filipino na kasalukuyang kinukuha kong medyor.
            Dagdag pa riyan, hindi dapat kaligtaan na ang mag-aaral ang magsisilbing sentro at batayan ng lahat, at kung may paggamit man ng teknolohiya, kinakailangan na isaalang-alangn ang kaangkupan nito at kung abeylabol ba ang mga ito at siguraduhing gumagana pa.
            Kung mapapadpad man sa liblib na lugar, hindi maitatangging ang iilan sa mga lugar na ito ay wala pang akses ng kuryente kaya naman hindi dapat ipilit ang paggamit ng teknolohiya sa pagtuturo, sa halip ay kailangan bumalik sa tradisyonal na pamamaraan ng pagtuturo basta’t ang mahalaga ay matutuo at matatamo ng mag-aaral ang mga bago at makabuluhang kaalaman na maaring magagamit nila sa pang-araw-araw na buhay.
           


Comments